MAYNILA — Ipapalabas ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang musikal na "Lapulapu, ang Datu ng Mactan" ngayong Oktubre 24.
Ipapakita nito ang mga mahahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas sa nakalipas na mga taon, kabilang ang tagumpay sa Mactan taong 1521, ang sirkumnabigasyon ng mundo, at ang pagdating ng Kristiyanismo sa bansa.
Magiging parte ito ng paggunita sa Quincentennial Commemorations in the Philippines, the Year of Filipino Pre-Colonial Ancestors, at National Indigenous Peoples' Month.
Ang direktor ng proyekto ay ang pamosong U.P. professor na si Dexter Santos, na naging direktor din ng mga dulang "Ang Huling El Bimbo", at "Orosman at Zafira".
Samantala, si NCCA Chairperson and Cultural Center of the Philippines President Arsenio Lizaso ang nagsisilbing Artistic Director, kasama si Nicolas Pichay, isang award-winning na makata at abogado na siyang sumulat ng libretto, at Krina Cayabyab para sa musika.
Pagbibidahan ito ni Arman Ferrer na gaganap bilang Lapulapu, kasama sina Andre Tiangco bilang Ferdinand Magellan, Red Nuestro bilang Rajah Humabon, Cara Barredo bilang Reyna Juana, Natasha Cabrera bilang babaylan, Paw Castillo bilang Enrique de Malacca, Robert Barbers bilang Juan Sebastian de Elcano, Al Gatmaitan bilang Antonio Pigafetta, Ivan Niccolo Nery bilang Papa Alexander VI, at Padre Pedro de Valderrama.
Makikilahok din sa produksiyon sina public Historian Xiao Chua, at NCCA Arts Ambassador at Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Maaaring mapanood ang dula sa ganap na alas sais ng gabi sa facebook page ng The Metropolitan Theatre (MET), Presidential Communications Operations Office (PCOO), Radio Television Malacañang (RTM), NCCA, National Historical Commission of the Philippines, at The National Quincentennial Committee.
Sanggunian: Broadway World Philippines
Kuha ang larawan mula sa NCCA Public Affairs and Information Office
Ibinalita ni: Rickie Cathleen Javier