Aprubado na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtataas presyo ng mga manufacturer sa mga produktong pang Noche Buena.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castela, hahayaan niyang gumalaw ang presyo ng mga produktong pang Noche Buena dahil hindi naman ito umano kabilang sa basic o prime commodities.
Matatandaang taong 2019 pa nang huling magtaas presyo ang mga Noche Buena item. "This year pipilitin natin ulit na subukan, kung kaya nating pakiusapan pa sila (manufacturers)", ani Castelo.
"Kung hindi natin sila makuha sa pakiusap, ang ipapakiusap natin, if ever na gagalaw sila o magtataas sila ng presyo, ay yung pang absulute minimum lang." dagdag niya.
Ngayong buwan, may iilan na umanong manufacturer ang nag-abiso ng dagdag presyo ng mga produktong gaya ng canned tuna, pasta, biskwit, gatas, frozen meat, at mga panimpla.
Ayon naman kay Philippine Amalgamated Supermarket Association President Steven Cua, isa sa mga dahilan kung bakit magtataas presyo ang mga nasabing manufacturer ay dahil sa mga gastusin, tulad ng pagbabayad ng 13th month pay ng mga manggagawa.
Tiniyak naman ni Castelo na sa kabila ng serye ng mga taas-presyo sa petrolyo, ay rerendahan pa rin nila ang mga hirit na dagdag presyo sa mga basic goods o mga pangunahing bilihin.
Dagdag pa ni Castelo, nasa kanila na rin ang mga request, at nagsisimula na rin sila umanong mag compute ng mga ito, ngunit hindi pa sila maglalabas ng panuntunan kung kailan gagalaw ang nasabing pagtaas ng presyo, kung ngayong taon ba o sa susunod na taon.
Samantala, una ng nagtaas-presyo ang Excelente Ham na isang dinarayong brand ng hamon sa Quiapo, Maynila dahil sa pagtaas ng karneng baboy at mga sangkap nito sa paggawa.
Sanggunian: ABS-CBS News
kuha ang mga larawan mula sa ABS-CBN News
Ibinalita ni: Jessica Carpina
Comments