Tinawag na ilegal ni Labor Secretary Silvestre Bello III , ang patakarang hindi pagbibigay suweldo sa mga empleyado na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na isang kumpanya sa National Capital Region (NCR) ang nagpatupad ng patakaran na "Walang bakuna, Walang suweldo".
“Bawal yan. Labag sa batas nga yan. Hindi mo mapipigilan ang suweldo ng empleyado, ng manggagawa nang walang legal na batayan", komento ni Bello. “Yung hindi pagbabakuna hindi legal basis yun. Bawal na bawal yung ganyang patakaran", dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Bello na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay wala pang natatanggap na ulat, reklamo, o tawag hinggil sa ilegal na patakaran, kahit na mula sa ALU-TUCP.
Aniya nalaman lang nila ang tungkol sa isyung ito sa mga panayam at ulat mula sa media.
Hinimok din ni Bello ang mga empleyado na nakararanas ng naturang patakaran na pormal na i-dulog ang kanilang kaso sa DOLE sa pamamagitan ng pagbisita sa tanggapan ng kagawaran o pagtawag sa hotline nito.
Noong Lunes, marami ring senador ang kumondena sa patakarang "walang bakuna, walang suweldo," ayon sa kanila ito ay labag sa batas.
SOURCE: GMA News Photo Credits: GMA Network
Ibinalita ni: Jasmine Jamito
Comments